Tuesday, February 14, 2017

Kabiguan

Madalas tayong dalawin ng kalungkutan. At dumadaan tayo sa mga pagsubok. Ipinagpauna naman iyan sa atin. Hindi naman kasi ito ang ating bayan. Tayo'y naglalakbay lamang.

Lahat tayo ay daraan sa tinatawag na pagdadalisay upang maging karapat-dapat. Kaya ang bagay na tulad ng kabiguan, matitinding kalungkutan, kahirapan, kawalang-pag-asa at pagsasakit at bahagi ng ating pagiging Kristiyano. Ng pagiging kawan ng ating Panginoong Jesucristo.

Kung ang ating Panginoon nga na walang kasalanan ay kailangang magbuwis ng buhay at dugo alang-alang sa mga hinirang, tayo din ay dapat na makabahagi sa pagsasakit nya upang matupad ang hula.

Maraming dahilan kung bakit tayo nakararanas ng mga ganitong matitinding emosyon.

Una, maaring tayo ay sinusubok. Kung hanggang saan tayo magtitiwala sa Panginoong Diyos.

Ikalawa, maaring bunga ito ng paglabag o kasalanan. Tayo ay maaring pinaparusahan o pinapaalalahanan sa ating mga paglabag. Kailangan nating matuto sa ating pagkakamali. Kailangan nating bumalik sa katwiran.

Ikatlo, tukso. Ililihis tayo ng diyablo sa bawat pagkakataon na makita nya upang tayo ay malayo sa mga aral at katotohanan. Sa mga panahong nalalango ka pa sa patibong nya, para kang manhid. Parang lahat ng ginagawa mo ay tama. Tutulungan ka pang magdahilan. Pero kapag narealize mo na na may mali at taliwas ito sa aral, papasok na ang realidad.

Ikaapat, nananalig ka sa sarili mong karunungan. At lilihis ka sa mga utos ng Diyos. At doon na magkakaproblema. Ang katigasan ng ulo ay patungo sa kapahamakan.

Ikalima, kawalang- pananampalataya. Marupok na buhay espiritwal. Mas nagtitiwala sa mga tao kaysa sa Diyos.

Naranasan ko at napagdaanan ang lima na yan. Sa iba-ibang yugto ng aking buhay, napagdaanan ko ang mga sitwasyon na aking nabanggit. Bunga ng kabataan, bunga ng kamangmangan at bunga ng sariling karunungan.

Mali, diba? Minsan natatanong ko sa sarili ko ''Sobrang love ba ako ng Ama at lagi akong sinusubok?'' Halos maya't- maya eh may pinagdadaanan ako.

Tira-tira din ako ng pagsubok. Pero habang binabayo ako ng matinding kabiguan at kalungkutan, sya naman akong lalong nagsusumiksik sa Panginoong Diyos. May mga pagkakataon na halos ugain ko ang langit sa pananalangin. Halos ayaw kong tapusin hanggat di ko nakukumbinsi ang Ama na wala akong ibang pupuntahan kapag hindi Niya ako sinaklolohan.

Ako ay solo parent. May apat akong anak. Wala akong katuwang sa pagtataguyod sa kanila araw-araw. Kaya nakahabilin kami lagi sa Ama. Pero dahil tao lang din at sa exposure sa trabaho, may mga pagkakataon na sumasablay din ako.

So pag alam ko ng nahuhulog sa balag ng kabiguan o papasok na ko sa matinding kalungkutan, me mga pattern na akong ginagawa.

1. Tatawag na ako sa Ama. Hindi naman ako makikipagbargain dahil alam kong kailangan kong danasin pero makikiusap ako na sana ay makayanan ko o sana ay huwag Niya akong hahayaan lalong mapahamak.

2. Kikilos ako papalapit sa Kanya. Hindi pwedeng nananalangin ka pero lumilihis ka naman o deadma mo lang. Kailangan panindigan ang panalangin at patunayan sa Ama na talagang handa kang magpakabig sa Kanya.

3. Kadalasan kinukundisyon ko ang utak ko na wag ng mag-alala. O lumimot. Nagagawa ko yun sa pamamagitan ng pagtambak ng trabaho upang maging busy. Pag wala akong ginagawa, marami akong naiisip at nagpaparaya ako sa sakit ng kalooban. Pero pag busy ako, pasingit-singit na lang sya.

4. Nilalabanan ang sakit. O lungkot. Kahit sobrang bigat. Kahit halos di mapugto ang pag-iyak. Kahit halos bumigay na ang utak. Kahit pa halos sumabog ang dibdib.

5. Kumakanta ako. Me kasama. Mag-isa. Pinagdadaanan ang mga yugto ng kalungkutan. Nagpapakawala ng emosyon sa pamamagitan ng kanta. O pagsusulat. Para malibang. O makalimot.

Di naman tayo bibigyan ng hindi natin kaya. Ke anuman ang dahilan ng ating kalungkutan, kabiguan o pagsubok, kailangan natin itong pagtagumpayan.

Hindi naman ito forever. Matatapos din yan at makakabangon tayo ulit. Tiwala lang sa mga plano ng ating Panginoong Diyos sa ating buhay. Maaaring inihahanda tayo sa mas mabuting bagay kaysa sa ating inaasam.

Antay-antay lang, bes.

No comments:

Post a Comment