Tuesday, February 14, 2017

Kabiguan

Madalas tayong dalawin ng kalungkutan. At dumadaan tayo sa mga pagsubok. Ipinagpauna naman iyan sa atin. Hindi naman kasi ito ang ating bayan. Tayo'y naglalakbay lamang.

Lahat tayo ay daraan sa tinatawag na pagdadalisay upang maging karapat-dapat. Kaya ang bagay na tulad ng kabiguan, matitinding kalungkutan, kahirapan, kawalang-pag-asa at pagsasakit at bahagi ng ating pagiging Kristiyano. Ng pagiging kawan ng ating Panginoong Jesucristo.

Kung ang ating Panginoon nga na walang kasalanan ay kailangang magbuwis ng buhay at dugo alang-alang sa mga hinirang, tayo din ay dapat na makabahagi sa pagsasakit nya upang matupad ang hula.

Maraming dahilan kung bakit tayo nakararanas ng mga ganitong matitinding emosyon.

Una, maaring tayo ay sinusubok. Kung hanggang saan tayo magtitiwala sa Panginoong Diyos.

Ikalawa, maaring bunga ito ng paglabag o kasalanan. Tayo ay maaring pinaparusahan o pinapaalalahanan sa ating mga paglabag. Kailangan nating matuto sa ating pagkakamali. Kailangan nating bumalik sa katwiran.

Ikatlo, tukso. Ililihis tayo ng diyablo sa bawat pagkakataon na makita nya upang tayo ay malayo sa mga aral at katotohanan. Sa mga panahong nalalango ka pa sa patibong nya, para kang manhid. Parang lahat ng ginagawa mo ay tama. Tutulungan ka pang magdahilan. Pero kapag narealize mo na na may mali at taliwas ito sa aral, papasok na ang realidad.

Ikaapat, nananalig ka sa sarili mong karunungan. At lilihis ka sa mga utos ng Diyos. At doon na magkakaproblema. Ang katigasan ng ulo ay patungo sa kapahamakan.

Ikalima, kawalang- pananampalataya. Marupok na buhay espiritwal. Mas nagtitiwala sa mga tao kaysa sa Diyos.

Naranasan ko at napagdaanan ang lima na yan. Sa iba-ibang yugto ng aking buhay, napagdaanan ko ang mga sitwasyon na aking nabanggit. Bunga ng kabataan, bunga ng kamangmangan at bunga ng sariling karunungan.

Mali, diba? Minsan natatanong ko sa sarili ko ''Sobrang love ba ako ng Ama at lagi akong sinusubok?'' Halos maya't- maya eh may pinagdadaanan ako.

Tira-tira din ako ng pagsubok. Pero habang binabayo ako ng matinding kabiguan at kalungkutan, sya naman akong lalong nagsusumiksik sa Panginoong Diyos. May mga pagkakataon na halos ugain ko ang langit sa pananalangin. Halos ayaw kong tapusin hanggat di ko nakukumbinsi ang Ama na wala akong ibang pupuntahan kapag hindi Niya ako sinaklolohan.

Ako ay solo parent. May apat akong anak. Wala akong katuwang sa pagtataguyod sa kanila araw-araw. Kaya nakahabilin kami lagi sa Ama. Pero dahil tao lang din at sa exposure sa trabaho, may mga pagkakataon na sumasablay din ako.

So pag alam ko ng nahuhulog sa balag ng kabiguan o papasok na ko sa matinding kalungkutan, me mga pattern na akong ginagawa.

1. Tatawag na ako sa Ama. Hindi naman ako makikipagbargain dahil alam kong kailangan kong danasin pero makikiusap ako na sana ay makayanan ko o sana ay huwag Niya akong hahayaan lalong mapahamak.

2. Kikilos ako papalapit sa Kanya. Hindi pwedeng nananalangin ka pero lumilihis ka naman o deadma mo lang. Kailangan panindigan ang panalangin at patunayan sa Ama na talagang handa kang magpakabig sa Kanya.

3. Kadalasan kinukundisyon ko ang utak ko na wag ng mag-alala. O lumimot. Nagagawa ko yun sa pamamagitan ng pagtambak ng trabaho upang maging busy. Pag wala akong ginagawa, marami akong naiisip at nagpaparaya ako sa sakit ng kalooban. Pero pag busy ako, pasingit-singit na lang sya.

4. Nilalabanan ang sakit. O lungkot. Kahit sobrang bigat. Kahit halos di mapugto ang pag-iyak. Kahit halos bumigay na ang utak. Kahit pa halos sumabog ang dibdib.

5. Kumakanta ako. Me kasama. Mag-isa. Pinagdadaanan ang mga yugto ng kalungkutan. Nagpapakawala ng emosyon sa pamamagitan ng kanta. O pagsusulat. Para malibang. O makalimot.

Di naman tayo bibigyan ng hindi natin kaya. Ke anuman ang dahilan ng ating kalungkutan, kabiguan o pagsubok, kailangan natin itong pagtagumpayan.

Hindi naman ito forever. Matatapos din yan at makakabangon tayo ulit. Tiwala lang sa mga plano ng ating Panginoong Diyos sa ating buhay. Maaaring inihahanda tayo sa mas mabuting bagay kaysa sa ating inaasam.

Antay-antay lang, bes.

Monday, February 13, 2017

Salamat po Ama

Amang nasa langit, Panginoon ng lahat ng nilalang, maraming salamat sa mga biyayang ipagkakaloob mo sa amin.

Kanina, kahayagan na kapag sumunod sa iyong mga utos at kapag tumalima sa mga aral sa loob ng Iglesia ay iyong pagpapalain.

Ang kliyenteng matagal na naming nais puntahan ay kami mismo ang tinawagan.

Salamat po, Kamay Mo Ang May Gawa Noon, Ama. Alam na alam namin. Wala na pong iba. Ikaw lang.

Saturday, February 11, 2017

Sumangguni

Ayokong nagbubukas ng pahina ng aking buhay sa iba. Dahil hindi naman maganda ang aking kwento. Ako ay hindi galing sa pamilyang may kaya. Mahirap ang buhay namin noon.

Para makapag- aral sa hayskul ay kailangan kong maging full scholar. At bagamat hindi ako gumradweyt na valedictorian sa elementary, nasustain ko naman ang mga grades ko hanggang sa 4th year.

Valedictorian ako nung high school kaya full scholar ako ng first year college. Pero dko na nasustain ang average sa second year. 80 lang grade ko sa Business Math.

Di bale na kako, at least Debater of the Year naman ako sa school.

Hindi ko natapos ang College. Nagrebelde ako at inasawa ng maaga. At nagkapamilya.

Nagtrabaho. Nasira ang pamilya. Nagsolo kasama ang mga anak. Nagnegosyo. Tila hindi pa rin ako panatag.

Ganito ata talaga pag kailangang matuto sa isang bagay. Dadaan ka sa iba't-ibang uri ng pagsubok at pagdalisay.

Maliligaw ka ng landas, matatalisod ka, mamalasin, mahihirapan bago matagpuan ang katwiran.

Fast forward 20 years o dalawang dekada mula ng ako'y huling tumuntong sa paaralan, natagpuan ko ulit ang aking sarili na sumusubok sa akademya.

Kinausap ako ng subukang mag aral sa College of Law ng aking mga magulang. At bagamat imposible sa aking sitwasyon ang papangyarihin yon, nagtiwala akong isangguni sa Panginoon ang aking mga plano.

Ipinakiusap ko na kung loloobin ng Ama, sana ay Siya ang gumawa ng paraan para mawala lahat ng balakid sa aking academic requirements.

Noong kami pa ay nagsasagawa ng gawain sa loob ng kulungan, nakita ko ang marubdob na pangangailangan ng mga dinodoktrinahang inmates. Dahil sa kawalan ng kalayaan at sa kakapusan, halos mabagal ang pag usad ng kani-kanilang kaso. Marami ding mga kaso na sana ay dismissible na subalit dahil sa kawalang-malay sa kanilang karapatan ay hindi maaksyun- aksyunan. So naawa ako sa kanila.

Inisip ko na kailangan ng Iglesia ng mga kapatid na abugado para makatulong sa mga usaping legal ng mga kapatid. At doon ko naisip na baka naman may maitulong ako. Doon ko narealize na pag wala na pala ang tatay ko, mababawasan na ang abugadong malalapitan ng mga kapatid. At kailangang may magtuloy nito. Alang-alang sa Iglesia.

Kung sa ganang aking sarili lang, kahit hindi na ako mag aral. Okay naman akong nabubuhay. Pinapakinabangan ko ang mga talento ko na bigay ng Diyos sa akin. Parang di naman na ako magugutom.

Pero kung may maitutulong ako sa ibang kapatid at kaya ko namang gawin, bakit ba hindi ko subukan at hilingin na kasihan ako ng Ama alang-alang sa kanyang Iglesia?

Nagsimula akong manalangin na kung nais Nya ang aking plano ay tulungan Nya akong malutas ang aking problema. Umiiyak kong inialay ang aking sarili sa Kanya upang kasangkapanin sa mas dakilang layunin. Tutal naman kako eh, naibuhay ko na ang kalahati ng aking buhay, masaya na din ako sa mga karanasan ko sa mundo.

Noong magsimula akong mag ayos ng mga papeles, naramdaman ko na magaan ang lahat. Walang masyadong hassle. May gastusin pero hindi ko na kailangang hingiin sa aking mga magulang. Pinagkalooban ako ng mga biyayang gugugulin para doon.

Sumunod naman ang bayarin at ang time frame. Naisip ko na sa susunod na taon pa ako makakapag-enrol. Pero loobin ng Diyos, ngayong taon ay makakahabol ako. Pero kinakabahan pa rin ako.

Andami ko ding tanong. Kaya ko ba? Kakayanin ko ba? Sigurado ba ako? Mapapanindigan ko ba?

Pero marami ding naniniwala at nagchi-cheer sa plano ko. Mga magulang, kapatid, mga anak ko na handa ring mag-adjust, pamilya, mga kapatid sa pananampalataya na nagpapalakas ng loob.

Naiiyak din ako sa ipinapakita nilang suporta. Kahayagan na umaayon ang langit.

Sobrang thankful ako sa himala na nahahayag sa aking buhay. Sa mga gawa ng kamay ng Panginoong Diyos na aking nasasaksihan.

At dahil di magkamayaw sa tuwa, naisip kong ibahagi sa inyo sa pamamagitan ng blogpost na ito.

Mga key takeaways ng post na ito:

1. Isangguni ang lahat ng nais ng iyong puso.

2. Dapat ang iyong nasa ay ayon sa kalooban ng Diyos

3. Anuman ang inyong hilingin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo ay ipagkakaloob ng Ama na nasa langit.

4. Lakipan ng puspusang pagsunod sa lahat ng Kanyang mga utos

5. Ang lubusang pagpapasakop sa kanyang mga salita ay susi ng kapanatagan.

Purihin ang Diyos na nasa langit. Maraming salamat Ama.

Saturday, February 4, 2017

Unahin ang Panginoon

Noong pumunta kami sa Isabela, naitanong ko sa isang kapatid na opisyal sa Buklod, anak ng ministro at kapatid ng Ministro ang kanilang sikreto sa maunlad na pamumuhay.

Isa syang negosyante at ayon sa kanyang kuya, bata pa lang daw sya ay maswerte na sya sa negosyo. Ang pagpapala ng Ama sa kanyang sambahayan ay sagana.

Sinabi nya sa akin na sa kanyang karanasan, kailangang unahin ang paglilingkod sa Panginoon sa lahat ng panahon.

"Sa mga oras na ikaw ay maglilingkod, tutuksuhin ka ng Diyablo. May lilitaw na transaksyon, minsan malalaki. Minsan mahirap tanggihan. Pero, huwag mong ipagpapalit ang Ama. Unahin mo sya. Kahit ano pang dahilan."

"Kasi pag inuna mo ang hanapbuhay, hindi yun matutuloy. At magtatampo sa iyo ang Diyos. Pag inuna mo ang Diyos, mas malaki pa ang biyayang ibibigay Nya sayo."

Marami na daw syang karanasan ukol dito at sa tuwing inuuna nya ang pagsamba o ang pagtupad sa tungkulin, nakakapaghintay ang kliyente. At siguradong natutuloy ang transaksyon. Pag inuna nya ang materyal na bagay kesa sa ispiritwal, hindi natutuloy ang transaksyon.

Tama naman ang Kapatid na Isaias. Maraming beses ko ng nasubukan din ang ganon.. Minsan, isinisingit ko ang pagsamba sa mga transaksyon ko. Minsan ay naiipit ako sa kliyente at sa pagsamba. O mga lakad na personal sa pagtupad ng tungkulin.

At for the longest time, hindi ito nakakabuti sa akin. Hindi ako mapanatag. Lagi akong kabado, natatakot ako sa Diyos at nahihiya dahil sa hindi top priority ang paglilingkod ko. Iyon ang dahilan kung bakit hindi rin ako top priority sa Kanya. Kung bakit marami akong naging alalahanin sa buhay.

Pero nagbago na ako for the better. Ngayon, NON-NEGOTIABLE na ang mga araw ng pagsamba at pagtupad ng tungkulin. Nakalaan din ang oras sa pagdalo sa mga gawain at pagtulong sa pagpapalaganap. Priority din ang pagbubukod ng mga handog sa bawat unang araw ng Linggo.

Noon, kung ano ang matira sa budget, iyon ang naihahandog. Mali.
Ngayon kung ano ang matira pagkatapos maghandog, iyon ang bina-budget. At ramdam na ramdam ko na mas magaan ang buhay ngayon. Kasi nasusunod ang tamang paraan ng paglilingkod at paghahandog.

Ang paglilingkod na ayon sa kalooban ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Na syang itinuturo ng pamamahala.

Sa bawat unang araw ng Linggo, mauuna ang Diyos. Ang makapagbigay ng kapurihan sa Kanya. Bago ang ano pa man. At sa aking karanasan, iyon ang tama.