Thursday, April 27, 2017

Himala

Pag inuna mong hanapin ang Panginoon, uunahin ka din Nyang hahanapin.

Napatunayan ko yan kahapon. Bago ako matulog nung isang gabi, nanalangin muna ako tulad ng regular kong ginagawa. Sa aking panalangin, dahil malayo ako sa aking pamilya hiningi ko sa Diyos na gisingin ako ng maaga dahi iyon ay araw ng Huwebes at hahanapin ko pa ang Kapilya para sambahin Sya.

Nakiusap din ako na ibangon akong malakas sa kabila ng sunod-sunod na pagod dahil sa mahahabang byahe sa halos isang Linggo.

Alam ko na bago ako matulog, sinagot na ng Ama and aking panalangin. Alam ko na nalulugod Sya sa aking kahilingan dahil iyon ay para sa Kanya.

Alam ko na natuwa Sya sa akin na kahit na nasa malayo ako, iniisip ko pa ring unahin muna Sya bago ang mga panlupang gawa.

Bagamat kukurap-kurap pa at talagang ipinakikipaglaban ng katawan ko ang matulog, bumangon ako at gumayak para sa unang pagsamba sa Huwebes na iyon.

Sa kasamang-palad, walang 5:45 ng umaga na pagsamba. Alas diyes pala ng umaga at alas sais ng hapon. Nalunos ako. Mula Claveria, Cagayan hanggang Vigan City, Ilocos Sur na aming babagtasin, naisip kong imposible ko ng abutan ang pagsamba sa Vigan. Umikot Kasi kami upang dokumentuhan ang mga pamana ng lahi ng Pilipinas sa Northern Luzon at napakstrikto ng aming itinerary.

Sa Vigan, malayo ang hotel sa mga itinerary namin. At for the past two days, puro mga lumang simbahan ang aming dino-dokumento. Ayaw kong hindi makasamba..

Kesa mag-alala at mamrublema kung ano ang aking gagawin, sinurender ko ang aking kapalaran sa Itaas. Mabuti ang Ama, ayaw Nyang nag-aalala ang mga lingkod Nya sa anumang bagay. Kaya, I stopped worrying.

Ang himala ay naganap ng maaga pa ng mahigit isang oras ang aming byahe. Sa nakalipas na dalawang araw sa kalsada, lagi kaming atrasado sa mga pupuntahan dahil sa maraming cause of delay. Late kami ng mga dalawa hanggang tatlong oras kada araw.

Ngayon, sa Vigan napaaga kami ng halos dalawang oras. Para sa akin, niloob ng Diyos iyon. Dahil hinanap ko Sya nung umaga para sambahin, hinintay nya ako ng hapon na makarating. Sya lamang at tanging Sya lamang ang may kayang gawin ang nangyari sa amin. Sino bang to ang kayang baguhin ang sirkumstansya ng panahon ayon sa kanyang nais?

Kaya ko bang itigil ang oras? Kaya ko bang kahit isang minuto ay impluwensyahan ang pagsamba o ang byahe namin pa-Vigan?

Kalooban ng Diyos na maaga kaming dumating upang sambahin ko Sya at pasalamatan sa Kanyang mga kabutihan sa amin.

At dahil doon, muli kong naranasan at namalas ang Kanyang himala. Sinagot Nya ang panalangin ko. At nakinig Sya sa akin. Hinintay Nya ako para sambahin Sya. At binigyan Nya ako ng pagkakataon na tanggpin ang Kanyang mahahalagang aral.

Nagdiwang ang aking puso sa katotohanang importante ako sa Ama. Ang saya-saya ng pakiramdam. Ang laking pagpapala. Ngayon, kung kasama natin ang ating Diyos, ano ang ipag-aalala natin?