Thursday, April 27, 2017

Himala

Pag inuna mong hanapin ang Panginoon, uunahin ka din Nyang hahanapin.

Napatunayan ko yan kahapon. Bago ako matulog nung isang gabi, nanalangin muna ako tulad ng regular kong ginagawa. Sa aking panalangin, dahil malayo ako sa aking pamilya hiningi ko sa Diyos na gisingin ako ng maaga dahi iyon ay araw ng Huwebes at hahanapin ko pa ang Kapilya para sambahin Sya.

Nakiusap din ako na ibangon akong malakas sa kabila ng sunod-sunod na pagod dahil sa mahahabang byahe sa halos isang Linggo.

Alam ko na bago ako matulog, sinagot na ng Ama and aking panalangin. Alam ko na nalulugod Sya sa aking kahilingan dahil iyon ay para sa Kanya.

Alam ko na natuwa Sya sa akin na kahit na nasa malayo ako, iniisip ko pa ring unahin muna Sya bago ang mga panlupang gawa.

Bagamat kukurap-kurap pa at talagang ipinakikipaglaban ng katawan ko ang matulog, bumangon ako at gumayak para sa unang pagsamba sa Huwebes na iyon.

Sa kasamang-palad, walang 5:45 ng umaga na pagsamba. Alas diyes pala ng umaga at alas sais ng hapon. Nalunos ako. Mula Claveria, Cagayan hanggang Vigan City, Ilocos Sur na aming babagtasin, naisip kong imposible ko ng abutan ang pagsamba sa Vigan. Umikot Kasi kami upang dokumentuhan ang mga pamana ng lahi ng Pilipinas sa Northern Luzon at napakstrikto ng aming itinerary.

Sa Vigan, malayo ang hotel sa mga itinerary namin. At for the past two days, puro mga lumang simbahan ang aming dino-dokumento. Ayaw kong hindi makasamba..

Kesa mag-alala at mamrublema kung ano ang aking gagawin, sinurender ko ang aking kapalaran sa Itaas. Mabuti ang Ama, ayaw Nyang nag-aalala ang mga lingkod Nya sa anumang bagay. Kaya, I stopped worrying.

Ang himala ay naganap ng maaga pa ng mahigit isang oras ang aming byahe. Sa nakalipas na dalawang araw sa kalsada, lagi kaming atrasado sa mga pupuntahan dahil sa maraming cause of delay. Late kami ng mga dalawa hanggang tatlong oras kada araw.

Ngayon, sa Vigan napaaga kami ng halos dalawang oras. Para sa akin, niloob ng Diyos iyon. Dahil hinanap ko Sya nung umaga para sambahin, hinintay nya ako ng hapon na makarating. Sya lamang at tanging Sya lamang ang may kayang gawin ang nangyari sa amin. Sino bang to ang kayang baguhin ang sirkumstansya ng panahon ayon sa kanyang nais?

Kaya ko bang itigil ang oras? Kaya ko bang kahit isang minuto ay impluwensyahan ang pagsamba o ang byahe namin pa-Vigan?

Kalooban ng Diyos na maaga kaming dumating upang sambahin ko Sya at pasalamatan sa Kanyang mga kabutihan sa amin.

At dahil doon, muli kong naranasan at namalas ang Kanyang himala. Sinagot Nya ang panalangin ko. At nakinig Sya sa akin. Hinintay Nya ako para sambahin Sya. At binigyan Nya ako ng pagkakataon na tanggpin ang Kanyang mahahalagang aral.

Nagdiwang ang aking puso sa katotohanang importante ako sa Ama. Ang saya-saya ng pakiramdam. Ang laking pagpapala. Ngayon, kung kasama natin ang ating Diyos, ano ang ipag-aalala natin?

Thursday, March 30, 2017

Tenkyu Lord

Ang araw na ito ay may sorpresa. May nagbayad sa amin na kliyente na nakalimutan na din namin na singilin.

May serbisyo kaming ginawa last year na inakala din naming bayad na kami. Nung pinatawag nya kami ngayon, tinanong nya ako. Magkano pa utang ko sayo? Sabi ko 30k ng hindi nag-iisip.

Dali-dali nya akong binayaran baka magbago pa isip ko. Ako naman, mabuti na ang 30k kesa wala talaga. Diba? Kailangan ko ng pambili ng sasakyan at mahalaga kahit piso sa akin ngayon.

Hinihingi ko sa Ama ang sasakyan at hindi naman Nya ako binibigo. Nagbibigay Sya ng mga biyaya para makamtan ko ang dalangin. Di nga lang madalian pero hindi Nya ako pinapabayaan. At iyon ang mahalaga. Hindi ako binibigo ng Ama.

Tinuturuan Nya ako na maghintay sa tamang panahon, sa Kanyang panahon. At habang naghihintay, naglilingkod at sumasamba. Masikap na hinahanap ang mga biyaya.. Nagtitiwala.

At dahil dito, mas exciting ang tumanggap ng bagong sasakyan. Na bigay ng Diyos na nasa langit sa pamamagitan ng Panginoong Jesukristo.

Tuesday, March 21, 2017

Kasagutan

Naniniwala ba kayo na lahat ng panalangin ay may kasagutan? Na ang Diyos ay totoong nakikinig sa mga panalangin at isa-isa nya itong sinasagot?

Mayroon akong dalangin na sana ay mabuhay ng payapa sa kabila ng kaguluhan at kahirapan. Na sana ay malayo kami sa kakapusan at sa anumang kahihiyan na maaaring makaapekto sa aming pagka-Iglesia Ni Cristo.

Mayroon akong car loan sa bangko. Noong pumunta ako sa Amerika ay hindi pumasok sa kanila ang mga hulog ko dahil sa biglang pagtaas ng maintaining balance ng kanilang bangko at kulang ng ilang piso ang magiging balanse kaya hindi nila inawas.

Kampante naman ako dahil meron naman kako akong pera doon. Laking gulat ko ng nagpast due ako ng dalawang buwan at yung pag-update payment ko nung ikatlong buwan ay ayaw ng tanggapin. Pinapabayaran na sa akin ng buo ang aking car loan. At noong panahon na yun, wala akong sapat na pambayad.

Kauuwi ko lang galing Amerika upang umatend sa isang conference at naubos din ang aking pera doon.

So dahil ayaw ng tanggapin, sinabi ko ng isusurrender ko ang unit. Anytime kunin nila sa bahay ay maari nilang kunin.

Pero tumagal pa ito ng ilang buwan o isang taon mahigit ata.

So nandun yung tuwing gabi na nananalangin ako, hinihingi ko na sana ay makabayad na ako sa mga atraso ko o di kaya naman ay wag akong maeeskandalo. Nakakahiya naman.

Hanggang sa may tumawag na sa akin at kukunin na daw ang sasakyan. Syempre sa unang tingin, masakit. Napamahal na sa akin ang sasakyan at ni minsan hindi ako nito itinirik o ibinitin. Sya ang partner ko sa aking kabuhayan. Sya ang aking kalabaw. Dalawa kaming nalalaspag sa paghahanap-buhay. Sya ang katuwang ko para gumaan ang katawan. Iniyakan ko ang pagkawala nya kahit ito ay bagay lamang. Maraming alaala ang hinabi naming dalawa ni Carla. Saksi sya sa aking mga sikreto.

Pero hindi pa sya ganap na akin. Masama ang maghangad ng hindi sayo. Iyan ang sabi ni Ka Isaias sa akin. Tama naman. Nasa Biblia naman yun.

Nung sinabi ko yun sa aking Bes, sinabi nya na "papalitan ng Diyos yan".

Kahit minsan, hindi ako nagtanong sa Ama. Inisip ko na sagot Nya yun sa aking panalangin na makaalpas ako sa aking mga obligasyon at wag akong mapapahiya.

Mas excited nga ako sa Kanyang ipapalit. Mas nasasabik ako sa Kanyang ibibigay na biyaya. Sinagot nya ang aking panalangin. Lahat ng aking mga pinapanalangin.

Yung panalangin ko na sana kung kalooban Nyang makapag-aral ako sa College of Law ay Sya na ang bahalang magtanggal ng mga balakid sa enrollment ko ay isa-isang nawawala. Sa bawat araw ay namamalas ko ang Kanyang kapangyarihan. Ang Kanyang pagmamahal. At galak na galak ang aking puso doon.

Tama ang aking Bes, papalitan ng Ama iyan. Mas mainam. Kailangan ko lang masumpungan ang mga ibibigay Nyang mabubuting bagay sa pamamagitan ng paggawa at pagtitiwala sa Kanya. Kaalinsabay ng puspusang pagsunod sa Kanyang mga utos.

Masarap mabuhay sa mundo. Kung malalaman lang natin ang sikreto o susi ng pagpapala, ng tagumpay, ng pag-ibig ng Diyos na nasa langit. Sa pamamagitan ng Kanyang anak na si Jesukristo.

Sana lahat ng hinirang ay magkaroon ng matibay na pananampalataya at lubusang sumunod sa lahat ng Kanyang utos, mapayapa at magaan ang buhay. Di tayo madadamay sa sumpa nitong mundo.

Monday, March 13, 2017

Uwak

Me nakakakita pa ba ng uwak ngayon? Ang maitim na ibon na tanging paa lamang nya ang pula?

Na ayon sa alamat ay sinumpa dahil sa kanyang kasamaan?

Noong panahon ng mga propeta, ginamit ng Panginoong Diyos ang uwak upang hatdan o dalhan ng pagkain si Propeta Elias.

Nangyari ito noong panahon na anim na buwan na hindi umulan sa lupain ng patmos. Uwak ang nagdadala ng pagkain ni Elias.

Sa modernong panahon, may mga tao rin na animo'y uwak.

Kinakasangkapan din sila ng Ama para ihayag ang Kanyang malabay na pag-ibig sa Kanyang mga hinirang at ipamalas ang Kanyang kapangyarihan sa kanyang mga lingkod.

Pag ipinangako ng Diyos na hindi ka Nya pababayaan, at ang tao ay nagtiwala doon, kakasangkapan Sya ng mga tao na maghahatid sa iyo ng mga biyaya.

Minsan, ako ang hinahatdan ng mga uwak. Ang mga uwak na ito ay maaring magulang, kapatid, kliyente, kaibigan o di kaya naman ay stranger. Kahayagan ng himala ng Maykapal.

Minsan naman, ako din ang uwak. Ipinapadaan sa akin ang biyaya pero dinadala ko din sa ibang mas nangangailangan.

Ang uwak dapat ay laging handa. Dapat kargado. Walang uwak na walang silbi. Kaya dapat, masipag, masikap at matalimahin ang uwak.

Napapagod man, hindi dapat nagrereklamo ang uwak. Basta gumawa lang sya at manalig sa pagpapala ng Panginoong Diyos. Sya ang magpapasumpong ng mga mabubuting bagay sa mga uwak.

Mapalad ba ang mga uwak?

Mapalad. Kasi sila ang daluyan ng mga biyaya at pagpapala.

Ano ang dapat katangian ng mga uwak?

Masunurin. Masipag. Masikap. Laging handa. Hindi mapag-alinlangan.

Ano ang dapat maging damdamin ng mga taong tulad sa uwak?

Mababang-loob. Mapagtalima.

Lugi ba ang mga taong uwak?

Hindi, sapagkat sila ang kinakasangkapan ng Panginoon sa paghatid ng mga mabubuting bagay sa kanyang mga lingkod.

Mabuhay ang mga uwak! :-)

Sunday, March 12, 2017

Pagsuko

Naisip ko lang baka maganda ang gumamit ng isang salita bilang titulo ng post.

Personal ulit ang post na ito. Tungkol ito sa nauna kong kwento kay Lam-ang.

Sabihin na natin na nagkakausap pa kami pamimsan- minsan. Tumatawag sya pag di busy. Short, but sweet. Di tulad ng dati na paulit-ulit sa isang araw. Dumighay lang, tatawag na. Ngayon, madalang na. Madalang pa sa patak ng ulan sa Mayo. Busy eh. Madaming trabaho.

Ako naman ay halos patayin na rin ang sarili sa trabaho. Kailangan ding busy ang utak. Kailangang maraming ginagawa ang katawan para yung puwang na iniwan nya ay hindi gaanong mapagtuunan.

Mahirap mag move on. Mahirap umasa. Mahirap lumimot. Mahirap ding magtiis. Mahirap ang malayo.

Pero kailangan pagtagumpayan ang lahat ng balakid.

Pero ako, nagpasya akong sumuko. Magpaiwan, magparaya. Kasi masakit na. Masakit na talaga. Iba na ang ginagalawan nyang mundo. Hindi na ako dun kasali.

Kahit sinasabi nyang araw -araw nya akong naalala, hanggang alala lang. Wala ng iba. At masakit yun.

Ang ginawa ko, nakipaghiwalay ako. Sumuko ako. Bumitaw. Sa telepono ko sinabi.

At habang galit ako sa sarili ko dahil nagpakatanga ako, nagalit din sya. Bakit daw di ko sya maunawa? Bakit daw puro hamon ang ginagawa mo?

Sabi ko napagod na ko. Wala naman tayo. At hindi naman magiging tayo kako. Mali ang panahon eh. Sa simula pa lang, talo na ako kako.

Nagalit sya. Sinermunan nya ako. Matalino daw ako bat di ko sya maintindihan. Nagsagutan kami. Nagkatwiranan.

Basta ako, firm. Isinuko ko na sya. Para minsanang paghilom ng sugat ng damdamin.

Kaso ayaw nya. Wala daw ganun. Hindi daw pwede.

"Habang buhay ako at humihinga, walang ganyang magaganap. Patayin mo ako, pwede siguro, makakawala ka".

Shocks. Totoo ba ito? May ganito bang mga tao?

Anyways, to cut a long story short, walang nangyari sa mga inarte ko sa kanya. Wala ring saysay ang mga pinangdrama ko. Nakagalitan lang ako. At nasumbatan. Gaya ng pinagsumbat ko rin sa kanya habang nangangatwiran kami sa isat-isa.

Hays. Pagsuko. Bahala na ang Diyos sa kin. Sa amin. Kung ano naisin Niya, doon na lang ako. Hindi kami papabayaan ng Diyos kung mananatili kaming matwid sa Kanyang harapan.

Saturday, March 4, 2017

Pangungulila

Babala: Ang post na ito ay personal. Inisip ko na sana ay para sa akin lang pero pwede naman i-share sa mga readers ng blog na ito.

Sa isang panahon na hindi maaari, mayroong nagkagusto sa akin. Ang sabi nya, ang lakas daw ng dating ko.

Siguro dahil I make things happen. I don't take no for an answer. Ang ugali ko ay hindi basta-basta sumusuko at ako'y certified solutions finder by birth. Pag mayroong problema, naghahanap ako ng solusyon. Very independent din akong babae. Kaya siguro naintriga sya sa katauhan ko.

Dahil sa sinabi ko sa nauna kong post na tira-tira ako ng pagsubok at sa dami na rin ng pinagdaanan ko sa buhay, hindi na rin ako basta-basta napatitinag.

Alam ko ang gusto ko at ayaw. Hindi ako pabigat sa kahit sino. Alam ko ang aking kapasidad. At higit sa lahat, hindi ako madaling magtiwala.

Nung mga unang araw ng aming pagkakilala. Iniiwasan kong mapalapit sa kanya. Distansyado ako at de sukat ang mga kilos. Mahirap ng mapahamak. Ang katulad nya ay parang apoy na isang pagkakamali lang ay maari kong ikatupok.

Kung kelan naman lumalayo, sya naman itong lumalapit.

Nung magkasama kami sa trabaho, mukhang wala na akong magagawa kundi makisama sa kanya.

Makaraan ang ilang linggo, nalaman ko na ang kanyang kasaysayan, maging ang kanyang nakaraan. Mga tagumpay at kabiguan. Mga pangarap at adhikain.

Hanggang sa isang araw sinabi nya sa akin na gusto nya ako.

Syempre, natawa lang ako. Paktay na kako sa sarili ko, nahulog na si kolokoy.

Bakit naman, tanong ko sa kanya.

"Ang lakas kasi ng dating mo, grabe," sabi nya.

Anong ibig sabihin nyan? Mayabang ba ako, nayayabangan ka ba sa akin?

"Hindi, nabighani ako. Grabe. Ngayon ko lang naramdaman ito sa buong buhay ko," bola nya.

Hahaha. Gago.

Tawagin na lang natin syang Lam-ang.

Si Lam-ang ay unipormadong tao. Nabubuhay sya para sa ibang tao. Tagapangalaga sya ng kapayapaan at kaayusan. Isang mortal na gawa sa porselana.

Maganda ang mata nya, sabi nila. Lalo pag nakangiti o tumatawa. Maayos naman at presentable. Maingat sa mga kilos at maginoo.

Bilang lalaki, hindi ka nya papabayaan. Maalala din, mahilig ding makipagkwentuhan at laging tinatanong kung nasaan ka na,. Ano ginagawa mo, sino kasama mo at anong oras ka uuwi ng bahay.

Parang cctv camera, laging nakamonitor.

Kung sana ay panahon namin, siguro mga may poreber.

Kaso hindi pa namin panahon...

Sabi nila, marerealize mo lang daw kung gaano kahalaga sa iyo ang isang tao pag nawala na sya.

Kaso ang tadhana ay mapagbiro. At ang realidad ay realidad.

Kailangan naming maghiwalay. Tapos na ang kontrata. Tapos na ang project. Tapos na ang teleserye.

Dati medyo deadma ko lang sya.

Ang presensya ay hindi big deal.

Ngayon, parang bangungot.. Parang minsan ayaw mong bumangon. Yung taong di naman bahagi ng buhay mo dapat eh parang pagkit na hindi matanggal sa isip mo.

Ang intense ng P. I.

Yung withdrawal symptoms ay ibang klase. Parang iniisteel brush ang sikmura sa hapdi. Parang uminom ka ng muriatic acid on an empty stomach. Grabe.

Parang armageddon.

Nonetheless, isa si Lam-ang sa mga magagandang alaala. Nagamit ko ang mga nakakatuwang usapan namin para hindi ako maupos na parang kandila.

Kinain ako ng lungkot. Nilamon ako ng matinding pangungulila. Pero alam ko naman na hindi namin panahon. Hindi pa.

Kaya tumayo ako, nagpagpag ng alabok ng kalungkutan at handa na ulit sa panibangong hamon ng buhay. Pero ang isang kamay ko ay nakakapit sa Ama. Nagpapasaklolo.

Ang pakiusap ko ay " Ama, sana wag masyadong masakit. Yung kaya ko lang, please."

Maraming hiwaga ang buhay. Pero lahat ng iyon ay may dalang gintong aral. Na dapat maunawaan at dapat nakaangkla lang sa Panginoon ang iyong pag-asa.

Sa ngayon, nariyan pa din ang pangungulila. Tao lang tayo na may damdamin. Pero nagamit ko na sa tama ang intensity ng damdamin para abutin ang isa pang pangarap. Para sugalan ang kinabukasan. Para may mapatunayan ako sa sarili, sa pamilya at sa kapwa hinirang.

Hindi madaling daigin ang sarili. Pero pag nakakapit sa sa Diyos, nakasangguni lahat ng iyong nasa sa Kanya, you will be safe.

Pag nangungulila ako? I pray.

Pagpapaubaya

Marami tayong nais mangyari sa ating buhay. Ang tao daw ay hindi marunong makuntento. Wala din umanong kabusugan sa mga bagay na ukol sa sanlibutan.

Kung taga sanlibutan ka, normal lang ito. Hindi nawawalan ng hinihiling ang mga tao sa Diyos. Anumang maibigan, gagawan ng paraang makuha kahit hindi nararapat. Ito ang sanhi ng mga kagukuhan at pagdidirigma sa mundo. Ang hindi makuntento ang tao sa kung ano ang nasa kanya.

Dahil ito sa kanyang 'insatiability'. Ang mga gyera sa bansa, ang mga awayan ng mga pamilya, angkan at ng mga magkakaibigan. Dahilan sa pagnanasa. Nais ng kabila ang meron o higit pa sa kabila.

At ito ay kasama sa mga pita ng laman.

Hindi ako guro. Hindi rin ako preacher. Ako'y isang nagmamasid lamang. At aking masasabi sa aking personal na karanasan na karamihan sa mga sanhi ng kaguluhan at di pagkakaunawaan any galing sa pagnanasa o paghahangad. Kahit hindi makatwiran.

Pero hindi naman lahat ng naghahangad ay masama. Meron ding mabuti. Ang hangarin mo na mapabuti ang iyong buhay at pamumuhay ay mabuti. Ang paghahangad na maging tanyag ay hindi masama. Ang paghahangad na humaba ang buhay at mapanatili ang kalusugan ay tama din naman.

Ano ang nakasasama?

Yung paghahangad ng labis. Yung paghahangad ng hindi sa iyo. Yung paghahangad na may natatapakang karapatan ng ibang tao. At yung paghahangad ng mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos o labag sa Kanyang utos.

Yung paghahangad na makalupa na naipagpapalit mo na ang iyong paglilingkod sa mga bagay na iyong minimithi.

Bilang tao, marami din akong hinahangad. At minimithi. Karamihan doon ay akin pa ngang iniluluhod sa panalangin.

1. Pag wala na akong pera, o papaubos na.

2. Pag kailangan ko ng pagkalinga ng Diyos at pag-iingat sa aming pamilya.

3. Pag marami akong alalahanin sa buhay

4. Pag dumating ang mga pagsubok, problema, pag-uusig, kabiguan

5. Pag may mga karamdaman ang sinoman sa amin

6. Pag may pangangailangan ang pamilya o angkan

7. Pag may malaking dedesisyunan

8. Pag may malayong byahe

9. Pag may napipintong pagbabago sa kabuhayan, malaking kaganapan sa buhay

10. Pag tutulong sa mga gawain sa loob ng Iglesia

11. Pag may mga pangarap para sa mga anak

12. Pag nais humingi ng kapatawaran dahil nagkasala

13. Pag maglalambing sa Panginoon

Matapos manalangin at magpaubaya sa Kanyang kalooban, ipapanatag ko na ang aking isip.

I will just silently and patiently wait for His response.

Pag buo ang tiwala mo na sasaklolohan ka ng Ama sa lahat ng mga concern mo sa buhay, matututo kang maghintay.

Sumasampalataya ako na lahat ng ating mga panalangin ay Kanyang sinasagot. Lahat.

Minsan lang ay hindi tayo nakikinig. Busy ang utak natin at puso para pakinggan ang reply Nya.

Minsan din naman ay kulang tayo sa pananampalataya na sasagutin nga Nya ang ating panalangin. Kaya matapos manalangin, deadma na. Back to normal programming ulit.

Minsan din ay hindi naayon sa gusto natin ang Kanyang sagot.

Minsan naman, masyado tayong nagmamadali sa pag-aantay ng kanyang sagot. Inip na inip na tayo kaya nananalig na lang sa ating sariling karunungan.

Minsan din, wala sa isip natin talaga ang ating mga ipinapanalangin. Parang ceremonial lang dahil gusto mo lang, dahil alam mong yun ang dapat gawin, at the moment.

Kung ganap tayong sumasampalataya na anuman ang ating hilingin sa pangalan ng Kanyang anak ay Kanyang ibibigay, marunong dapat tayong magpaubaya at maghintay.

Magpaubaya sa Kanyang kalooban. Mas mahalaga kung ano ang gusto ng Ama kaysa sa kung ano ang gusto natin.

Hayaan nating Sya ang kumilos sa ating buhay upang hindi tayo mapahamak at magkaroon tayo ng kapayapaan. Sa puso at isip.

Tumiwala tayong ganap sa kapangyarihan ng Diyos. Sya ang may-ari ng lahat ng nasa kalawakan. Sya ang lumalang ng lahat ng nasa silong at nasa taas ng kalangitan.

Maghintay sa tamang panahon. "Everything happens in God's time" ay tunay na tunay. Hindi panahon ng tao ang masusunod. There's no such thing as coincidence. Lahat ng bagay sa langit at lupa ay sumusunod sa oras at nais ng Panginoon.

Kapag "no" ang sagot Nya sa ating hangarin, hindi ibig sabihin ay ayaw ka Nyang pagbigyan. Marahil ay kung kasamaan ang nais mo ay talagang negative. Unless ibibigay ka na Nya ng tukuyan sa kasamaan dahil sa hindi ka Nya mahal dahil sa iyong pagsalansan.

Maaaring naglalaan Sya ng better option para sa iyo.

Sabi ng aming ministro " Maraming mga bagay at kaganapan ang hindi arok ng utak ng tao. Tanging Diyos lang ang nakakaalam ng lahat ng bagay."

"At huwag mong papangunahan ang Diyos, magtrabaho ka, gumawa ka ayin sa Kanyang kalooban at su din mo ang Kanyang mga utos. At Kanyang ibibigay ang nasa ng iyong puso".

Narinig ko yun noon. Pero hindi ko naibuhay. Ngayon ko na lang napapatunayan na iyon ay tama. At iyon naman ang makatwiran. Nilalang tayo upang maglingkod. At dapat iyon ang ating priority. Ang Sya ay paglingkuran. Saka na idadagdag sa atin kung ano man ang ating mga panalangin at kahilingan.

Matuto lang tayong maghintay at magpaubaya sa Ama.

Wednesday, March 1, 2017

Pagluha

Hindi na ako masyadong malungkot ngayon. Parang magaan na lang ang isip sa pamumuhay at sa paglilingkod.

Hindi na rin ako balisa. Hindi na ako takot. Hindi na ako nangangamba. Panatag na ako sa kalooban ng Panginoon.

Ako na lang ay maglilingkod. Magpupuri, magtitiwala at magpapasaklolo.

Gagawa din ako, magsasakit at susunod sa mga utos. Simple lang, diba?

Kasi bawat luha ay may katapat na ngiti. Naniniwala ako na hindi ako kailanman gustong mapahamak ng Diyos. Siya ay Diyos ng katotohan at katwiran.

Masaya na ako ngayon. Kasi ang mga panalangin ko sa Kanya ay may kasagutan. Hindi man OO sa lahat ng panahon, pero sumasampalataya ako na ang kalooban Nya ang masusunod. At hindi ako nananangan sa ganang sarili kong karunungan. Nagpapasakop ako sa Kanyang mga nais. At iyon ang mahalaga.

Hindi naman laging denied ang sagot Nya sa mga panalangin ko. At kahit denied man ito, alam kong may ipapalit Syang mas mabuting bagay kaysa sa hinihingi ko. At nagpapaubaya ako sa kalooban Nya.

Dahil magaan ang pagdadala ng buhay ngayon, hindi natutuyo ang utak ko kakaisip at kakahula. Mas naginging healthy ako ngayon.

Malaking bagay kaya yung hindi ka nag-iisip ng iyong kakanin, gugugulin at gagamitin sa gawain. Ilang heart attack ang nabawas ko dahil dito. At doon pa lang, isang napakalaking biyaya na yun.

Tuesday, February 14, 2017

Kabiguan

Madalas tayong dalawin ng kalungkutan. At dumadaan tayo sa mga pagsubok. Ipinagpauna naman iyan sa atin. Hindi naman kasi ito ang ating bayan. Tayo'y naglalakbay lamang.

Lahat tayo ay daraan sa tinatawag na pagdadalisay upang maging karapat-dapat. Kaya ang bagay na tulad ng kabiguan, matitinding kalungkutan, kahirapan, kawalang-pag-asa at pagsasakit at bahagi ng ating pagiging Kristiyano. Ng pagiging kawan ng ating Panginoong Jesucristo.

Kung ang ating Panginoon nga na walang kasalanan ay kailangang magbuwis ng buhay at dugo alang-alang sa mga hinirang, tayo din ay dapat na makabahagi sa pagsasakit nya upang matupad ang hula.

Maraming dahilan kung bakit tayo nakararanas ng mga ganitong matitinding emosyon.

Una, maaring tayo ay sinusubok. Kung hanggang saan tayo magtitiwala sa Panginoong Diyos.

Ikalawa, maaring bunga ito ng paglabag o kasalanan. Tayo ay maaring pinaparusahan o pinapaalalahanan sa ating mga paglabag. Kailangan nating matuto sa ating pagkakamali. Kailangan nating bumalik sa katwiran.

Ikatlo, tukso. Ililihis tayo ng diyablo sa bawat pagkakataon na makita nya upang tayo ay malayo sa mga aral at katotohanan. Sa mga panahong nalalango ka pa sa patibong nya, para kang manhid. Parang lahat ng ginagawa mo ay tama. Tutulungan ka pang magdahilan. Pero kapag narealize mo na na may mali at taliwas ito sa aral, papasok na ang realidad.

Ikaapat, nananalig ka sa sarili mong karunungan. At lilihis ka sa mga utos ng Diyos. At doon na magkakaproblema. Ang katigasan ng ulo ay patungo sa kapahamakan.

Ikalima, kawalang- pananampalataya. Marupok na buhay espiritwal. Mas nagtitiwala sa mga tao kaysa sa Diyos.

Naranasan ko at napagdaanan ang lima na yan. Sa iba-ibang yugto ng aking buhay, napagdaanan ko ang mga sitwasyon na aking nabanggit. Bunga ng kabataan, bunga ng kamangmangan at bunga ng sariling karunungan.

Mali, diba? Minsan natatanong ko sa sarili ko ''Sobrang love ba ako ng Ama at lagi akong sinusubok?'' Halos maya't- maya eh may pinagdadaanan ako.

Tira-tira din ako ng pagsubok. Pero habang binabayo ako ng matinding kabiguan at kalungkutan, sya naman akong lalong nagsusumiksik sa Panginoong Diyos. May mga pagkakataon na halos ugain ko ang langit sa pananalangin. Halos ayaw kong tapusin hanggat di ko nakukumbinsi ang Ama na wala akong ibang pupuntahan kapag hindi Niya ako sinaklolohan.

Ako ay solo parent. May apat akong anak. Wala akong katuwang sa pagtataguyod sa kanila araw-araw. Kaya nakahabilin kami lagi sa Ama. Pero dahil tao lang din at sa exposure sa trabaho, may mga pagkakataon na sumasablay din ako.

So pag alam ko ng nahuhulog sa balag ng kabiguan o papasok na ko sa matinding kalungkutan, me mga pattern na akong ginagawa.

1. Tatawag na ako sa Ama. Hindi naman ako makikipagbargain dahil alam kong kailangan kong danasin pero makikiusap ako na sana ay makayanan ko o sana ay huwag Niya akong hahayaan lalong mapahamak.

2. Kikilos ako papalapit sa Kanya. Hindi pwedeng nananalangin ka pero lumilihis ka naman o deadma mo lang. Kailangan panindigan ang panalangin at patunayan sa Ama na talagang handa kang magpakabig sa Kanya.

3. Kadalasan kinukundisyon ko ang utak ko na wag ng mag-alala. O lumimot. Nagagawa ko yun sa pamamagitan ng pagtambak ng trabaho upang maging busy. Pag wala akong ginagawa, marami akong naiisip at nagpaparaya ako sa sakit ng kalooban. Pero pag busy ako, pasingit-singit na lang sya.

4. Nilalabanan ang sakit. O lungkot. Kahit sobrang bigat. Kahit halos di mapugto ang pag-iyak. Kahit halos bumigay na ang utak. Kahit pa halos sumabog ang dibdib.

5. Kumakanta ako. Me kasama. Mag-isa. Pinagdadaanan ang mga yugto ng kalungkutan. Nagpapakawala ng emosyon sa pamamagitan ng kanta. O pagsusulat. Para malibang. O makalimot.

Di naman tayo bibigyan ng hindi natin kaya. Ke anuman ang dahilan ng ating kalungkutan, kabiguan o pagsubok, kailangan natin itong pagtagumpayan.

Hindi naman ito forever. Matatapos din yan at makakabangon tayo ulit. Tiwala lang sa mga plano ng ating Panginoong Diyos sa ating buhay. Maaaring inihahanda tayo sa mas mabuting bagay kaysa sa ating inaasam.

Antay-antay lang, bes.

Monday, February 13, 2017

Salamat po Ama

Amang nasa langit, Panginoon ng lahat ng nilalang, maraming salamat sa mga biyayang ipagkakaloob mo sa amin.

Kanina, kahayagan na kapag sumunod sa iyong mga utos at kapag tumalima sa mga aral sa loob ng Iglesia ay iyong pagpapalain.

Ang kliyenteng matagal na naming nais puntahan ay kami mismo ang tinawagan.

Salamat po, Kamay Mo Ang May Gawa Noon, Ama. Alam na alam namin. Wala na pong iba. Ikaw lang.

Saturday, February 11, 2017

Sumangguni

Ayokong nagbubukas ng pahina ng aking buhay sa iba. Dahil hindi naman maganda ang aking kwento. Ako ay hindi galing sa pamilyang may kaya. Mahirap ang buhay namin noon.

Para makapag- aral sa hayskul ay kailangan kong maging full scholar. At bagamat hindi ako gumradweyt na valedictorian sa elementary, nasustain ko naman ang mga grades ko hanggang sa 4th year.

Valedictorian ako nung high school kaya full scholar ako ng first year college. Pero dko na nasustain ang average sa second year. 80 lang grade ko sa Business Math.

Di bale na kako, at least Debater of the Year naman ako sa school.

Hindi ko natapos ang College. Nagrebelde ako at inasawa ng maaga. At nagkapamilya.

Nagtrabaho. Nasira ang pamilya. Nagsolo kasama ang mga anak. Nagnegosyo. Tila hindi pa rin ako panatag.

Ganito ata talaga pag kailangang matuto sa isang bagay. Dadaan ka sa iba't-ibang uri ng pagsubok at pagdalisay.

Maliligaw ka ng landas, matatalisod ka, mamalasin, mahihirapan bago matagpuan ang katwiran.

Fast forward 20 years o dalawang dekada mula ng ako'y huling tumuntong sa paaralan, natagpuan ko ulit ang aking sarili na sumusubok sa akademya.

Kinausap ako ng subukang mag aral sa College of Law ng aking mga magulang. At bagamat imposible sa aking sitwasyon ang papangyarihin yon, nagtiwala akong isangguni sa Panginoon ang aking mga plano.

Ipinakiusap ko na kung loloobin ng Ama, sana ay Siya ang gumawa ng paraan para mawala lahat ng balakid sa aking academic requirements.

Noong kami pa ay nagsasagawa ng gawain sa loob ng kulungan, nakita ko ang marubdob na pangangailangan ng mga dinodoktrinahang inmates. Dahil sa kawalan ng kalayaan at sa kakapusan, halos mabagal ang pag usad ng kani-kanilang kaso. Marami ding mga kaso na sana ay dismissible na subalit dahil sa kawalang-malay sa kanilang karapatan ay hindi maaksyun- aksyunan. So naawa ako sa kanila.

Inisip ko na kailangan ng Iglesia ng mga kapatid na abugado para makatulong sa mga usaping legal ng mga kapatid. At doon ko naisip na baka naman may maitulong ako. Doon ko narealize na pag wala na pala ang tatay ko, mababawasan na ang abugadong malalapitan ng mga kapatid. At kailangang may magtuloy nito. Alang-alang sa Iglesia.

Kung sa ganang aking sarili lang, kahit hindi na ako mag aral. Okay naman akong nabubuhay. Pinapakinabangan ko ang mga talento ko na bigay ng Diyos sa akin. Parang di naman na ako magugutom.

Pero kung may maitutulong ako sa ibang kapatid at kaya ko namang gawin, bakit ba hindi ko subukan at hilingin na kasihan ako ng Ama alang-alang sa kanyang Iglesia?

Nagsimula akong manalangin na kung nais Nya ang aking plano ay tulungan Nya akong malutas ang aking problema. Umiiyak kong inialay ang aking sarili sa Kanya upang kasangkapanin sa mas dakilang layunin. Tutal naman kako eh, naibuhay ko na ang kalahati ng aking buhay, masaya na din ako sa mga karanasan ko sa mundo.

Noong magsimula akong mag ayos ng mga papeles, naramdaman ko na magaan ang lahat. Walang masyadong hassle. May gastusin pero hindi ko na kailangang hingiin sa aking mga magulang. Pinagkalooban ako ng mga biyayang gugugulin para doon.

Sumunod naman ang bayarin at ang time frame. Naisip ko na sa susunod na taon pa ako makakapag-enrol. Pero loobin ng Diyos, ngayong taon ay makakahabol ako. Pero kinakabahan pa rin ako.

Andami ko ding tanong. Kaya ko ba? Kakayanin ko ba? Sigurado ba ako? Mapapanindigan ko ba?

Pero marami ding naniniwala at nagchi-cheer sa plano ko. Mga magulang, kapatid, mga anak ko na handa ring mag-adjust, pamilya, mga kapatid sa pananampalataya na nagpapalakas ng loob.

Naiiyak din ako sa ipinapakita nilang suporta. Kahayagan na umaayon ang langit.

Sobrang thankful ako sa himala na nahahayag sa aking buhay. Sa mga gawa ng kamay ng Panginoong Diyos na aking nasasaksihan.

At dahil di magkamayaw sa tuwa, naisip kong ibahagi sa inyo sa pamamagitan ng blogpost na ito.

Mga key takeaways ng post na ito:

1. Isangguni ang lahat ng nais ng iyong puso.

2. Dapat ang iyong nasa ay ayon sa kalooban ng Diyos

3. Anuman ang inyong hilingin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo ay ipagkakaloob ng Ama na nasa langit.

4. Lakipan ng puspusang pagsunod sa lahat ng Kanyang mga utos

5. Ang lubusang pagpapasakop sa kanyang mga salita ay susi ng kapanatagan.

Purihin ang Diyos na nasa langit. Maraming salamat Ama.

Saturday, February 4, 2017

Unahin ang Panginoon

Noong pumunta kami sa Isabela, naitanong ko sa isang kapatid na opisyal sa Buklod, anak ng ministro at kapatid ng Ministro ang kanilang sikreto sa maunlad na pamumuhay.

Isa syang negosyante at ayon sa kanyang kuya, bata pa lang daw sya ay maswerte na sya sa negosyo. Ang pagpapala ng Ama sa kanyang sambahayan ay sagana.

Sinabi nya sa akin na sa kanyang karanasan, kailangang unahin ang paglilingkod sa Panginoon sa lahat ng panahon.

"Sa mga oras na ikaw ay maglilingkod, tutuksuhin ka ng Diyablo. May lilitaw na transaksyon, minsan malalaki. Minsan mahirap tanggihan. Pero, huwag mong ipagpapalit ang Ama. Unahin mo sya. Kahit ano pang dahilan."

"Kasi pag inuna mo ang hanapbuhay, hindi yun matutuloy. At magtatampo sa iyo ang Diyos. Pag inuna mo ang Diyos, mas malaki pa ang biyayang ibibigay Nya sayo."

Marami na daw syang karanasan ukol dito at sa tuwing inuuna nya ang pagsamba o ang pagtupad sa tungkulin, nakakapaghintay ang kliyente. At siguradong natutuloy ang transaksyon. Pag inuna nya ang materyal na bagay kesa sa ispiritwal, hindi natutuloy ang transaksyon.

Tama naman ang Kapatid na Isaias. Maraming beses ko ng nasubukan din ang ganon.. Minsan, isinisingit ko ang pagsamba sa mga transaksyon ko. Minsan ay naiipit ako sa kliyente at sa pagsamba. O mga lakad na personal sa pagtupad ng tungkulin.

At for the longest time, hindi ito nakakabuti sa akin. Hindi ako mapanatag. Lagi akong kabado, natatakot ako sa Diyos at nahihiya dahil sa hindi top priority ang paglilingkod ko. Iyon ang dahilan kung bakit hindi rin ako top priority sa Kanya. Kung bakit marami akong naging alalahanin sa buhay.

Pero nagbago na ako for the better. Ngayon, NON-NEGOTIABLE na ang mga araw ng pagsamba at pagtupad ng tungkulin. Nakalaan din ang oras sa pagdalo sa mga gawain at pagtulong sa pagpapalaganap. Priority din ang pagbubukod ng mga handog sa bawat unang araw ng Linggo.

Noon, kung ano ang matira sa budget, iyon ang naihahandog. Mali.
Ngayon kung ano ang matira pagkatapos maghandog, iyon ang bina-budget. At ramdam na ramdam ko na mas magaan ang buhay ngayon. Kasi nasusunod ang tamang paraan ng paglilingkod at paghahandog.

Ang paglilingkod na ayon sa kalooban ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Na syang itinuturo ng pamamahala.

Sa bawat unang araw ng Linggo, mauuna ang Diyos. Ang makapagbigay ng kapurihan sa Kanya. Bago ang ano pa man. At sa aking karanasan, iyon ang tama.

Sunday, January 29, 2017

Kwento

Naisip ko lang na magblog sa ganitong genre upang madocument ang aking thoughts ukol sa aking pananampalataya na kinokonsider kong Work In Progress (WIP).

Naniniwala ako na ang pananampalataya ay personal. Its between you and your God. Pero syempre nasa loob tayo ng Iglesia na syang kawan at katawan ng ating Panginoong Jesucristo. Dito tinuturo ang mga dakilang aral at utos ng Panginoong Diyos. Dito tayo hinuhubog upang makarating sa uring maliligtas.

Pero tayo ay tao lang. At nakatira sa sanlibutan. Maraming tukso, maraming pagsubok. Maraming patibong si Satanas upang tayo ay mailayo at hindi makarating sa Bayang ipinangako.

Ako ay handog. Masasabi ko na mapalad ako at wala na akong kinabilangang ibang relihiyon kundi ang Iglesia. Dito na ako ipinanganak, malamang dito na rin ako mamamatay.

Pero hindi ibig sabihin ay sigurado ng nasa akin ang kaligtasan. Kailangan ko pa ding maging dapat at maging karapat-dapat dito habang nabubuhay. Hindi maaring maagaw pa ito ng iba sa akin. Nasa loob na ako, kailangang hawakan ng mahigpit ang karapatan at kahalalan.

Kaya ako work in progress. Habang nagkakaedad, dapat lalong tumitibay ang pananampalataya at dapat habang tumatagal, mas lalong masikap na sumusunod sa lahat ng mga utos. Habang papalapit ang dakilang araw, dapat mas lalong nanghahawak ng mahigpit upang hindi maiwan.

Late bloomer ako sa pakikipagkaisa sa mga kilusan sa Iglesia. Marahil dati ay complacent ako dahil handog nga naman. Pero narealize ko na mali yon. Mas lalong dapat na masigla ang mga handog. Dapat automatic na mapagtalima.

Na-busy kasi ako sa buhay. Ako'y single parent at struggling na breadwinner. I work two jobs just to get by. Mahirap ang kalagayan ko at yun ang tila umubos ng panahon ko.

Tipikal na kwento ng 'lukewarm' na paglilingkod. Minsan, ceremonial na lang ang pagtugon sa mga panawagan. Pero narealize ko na mali. Dahil di ko pinaprioritize ang Ama, hindi rin Nya ako pinaprioritize.

Sa mundo ng kabiguan at kapalaluan, nakita ko ang sarili ko na lumulutang lang. Hindi ako nagkakaugat. Hindi ako gaanong napapayapa. At late kong nalaman ang dahilan. Dahil hindi ako nakatingin sa putong ng buhay. Dahil hindi priority ang Ama. Hindi ko Sya ganap na nabibigyan ng kasiyahan.

At iyon ang pinakamalaki kong pagkakamali. I was busy with what the world has to offer that I kept my eyes away from my reason for being in earth. To worship my God.