Sunday, March 12, 2017

Pagsuko

Naisip ko lang baka maganda ang gumamit ng isang salita bilang titulo ng post.

Personal ulit ang post na ito. Tungkol ito sa nauna kong kwento kay Lam-ang.

Sabihin na natin na nagkakausap pa kami pamimsan- minsan. Tumatawag sya pag di busy. Short, but sweet. Di tulad ng dati na paulit-ulit sa isang araw. Dumighay lang, tatawag na. Ngayon, madalang na. Madalang pa sa patak ng ulan sa Mayo. Busy eh. Madaming trabaho.

Ako naman ay halos patayin na rin ang sarili sa trabaho. Kailangan ding busy ang utak. Kailangang maraming ginagawa ang katawan para yung puwang na iniwan nya ay hindi gaanong mapagtuunan.

Mahirap mag move on. Mahirap umasa. Mahirap lumimot. Mahirap ding magtiis. Mahirap ang malayo.

Pero kailangan pagtagumpayan ang lahat ng balakid.

Pero ako, nagpasya akong sumuko. Magpaiwan, magparaya. Kasi masakit na. Masakit na talaga. Iba na ang ginagalawan nyang mundo. Hindi na ako dun kasali.

Kahit sinasabi nyang araw -araw nya akong naalala, hanggang alala lang. Wala ng iba. At masakit yun.

Ang ginawa ko, nakipaghiwalay ako. Sumuko ako. Bumitaw. Sa telepono ko sinabi.

At habang galit ako sa sarili ko dahil nagpakatanga ako, nagalit din sya. Bakit daw di ko sya maunawa? Bakit daw puro hamon ang ginagawa mo?

Sabi ko napagod na ko. Wala naman tayo. At hindi naman magiging tayo kako. Mali ang panahon eh. Sa simula pa lang, talo na ako kako.

Nagalit sya. Sinermunan nya ako. Matalino daw ako bat di ko sya maintindihan. Nagsagutan kami. Nagkatwiranan.

Basta ako, firm. Isinuko ko na sya. Para minsanang paghilom ng sugat ng damdamin.

Kaso ayaw nya. Wala daw ganun. Hindi daw pwede.

"Habang buhay ako at humihinga, walang ganyang magaganap. Patayin mo ako, pwede siguro, makakawala ka".

Shocks. Totoo ba ito? May ganito bang mga tao?

Anyways, to cut a long story short, walang nangyari sa mga inarte ko sa kanya. Wala ring saysay ang mga pinangdrama ko. Nakagalitan lang ako. At nasumbatan. Gaya ng pinagsumbat ko rin sa kanya habang nangangatwiran kami sa isat-isa.

Hays. Pagsuko. Bahala na ang Diyos sa kin. Sa amin. Kung ano naisin Niya, doon na lang ako. Hindi kami papabayaan ng Diyos kung mananatili kaming matwid sa Kanyang harapan.

No comments:

Post a Comment