Saturday, March 4, 2017

Pangungulila

Babala: Ang post na ito ay personal. Inisip ko na sana ay para sa akin lang pero pwede naman i-share sa mga readers ng blog na ito.

Sa isang panahon na hindi maaari, mayroong nagkagusto sa akin. Ang sabi nya, ang lakas daw ng dating ko.

Siguro dahil I make things happen. I don't take no for an answer. Ang ugali ko ay hindi basta-basta sumusuko at ako'y certified solutions finder by birth. Pag mayroong problema, naghahanap ako ng solusyon. Very independent din akong babae. Kaya siguro naintriga sya sa katauhan ko.

Dahil sa sinabi ko sa nauna kong post na tira-tira ako ng pagsubok at sa dami na rin ng pinagdaanan ko sa buhay, hindi na rin ako basta-basta napatitinag.

Alam ko ang gusto ko at ayaw. Hindi ako pabigat sa kahit sino. Alam ko ang aking kapasidad. At higit sa lahat, hindi ako madaling magtiwala.

Nung mga unang araw ng aming pagkakilala. Iniiwasan kong mapalapit sa kanya. Distansyado ako at de sukat ang mga kilos. Mahirap ng mapahamak. Ang katulad nya ay parang apoy na isang pagkakamali lang ay maari kong ikatupok.

Kung kelan naman lumalayo, sya naman itong lumalapit.

Nung magkasama kami sa trabaho, mukhang wala na akong magagawa kundi makisama sa kanya.

Makaraan ang ilang linggo, nalaman ko na ang kanyang kasaysayan, maging ang kanyang nakaraan. Mga tagumpay at kabiguan. Mga pangarap at adhikain.

Hanggang sa isang araw sinabi nya sa akin na gusto nya ako.

Syempre, natawa lang ako. Paktay na kako sa sarili ko, nahulog na si kolokoy.

Bakit naman, tanong ko sa kanya.

"Ang lakas kasi ng dating mo, grabe," sabi nya.

Anong ibig sabihin nyan? Mayabang ba ako, nayayabangan ka ba sa akin?

"Hindi, nabighani ako. Grabe. Ngayon ko lang naramdaman ito sa buong buhay ko," bola nya.

Hahaha. Gago.

Tawagin na lang natin syang Lam-ang.

Si Lam-ang ay unipormadong tao. Nabubuhay sya para sa ibang tao. Tagapangalaga sya ng kapayapaan at kaayusan. Isang mortal na gawa sa porselana.

Maganda ang mata nya, sabi nila. Lalo pag nakangiti o tumatawa. Maayos naman at presentable. Maingat sa mga kilos at maginoo.

Bilang lalaki, hindi ka nya papabayaan. Maalala din, mahilig ding makipagkwentuhan at laging tinatanong kung nasaan ka na,. Ano ginagawa mo, sino kasama mo at anong oras ka uuwi ng bahay.

Parang cctv camera, laging nakamonitor.

Kung sana ay panahon namin, siguro mga may poreber.

Kaso hindi pa namin panahon...

Sabi nila, marerealize mo lang daw kung gaano kahalaga sa iyo ang isang tao pag nawala na sya.

Kaso ang tadhana ay mapagbiro. At ang realidad ay realidad.

Kailangan naming maghiwalay. Tapos na ang kontrata. Tapos na ang project. Tapos na ang teleserye.

Dati medyo deadma ko lang sya.

Ang presensya ay hindi big deal.

Ngayon, parang bangungot.. Parang minsan ayaw mong bumangon. Yung taong di naman bahagi ng buhay mo dapat eh parang pagkit na hindi matanggal sa isip mo.

Ang intense ng P. I.

Yung withdrawal symptoms ay ibang klase. Parang iniisteel brush ang sikmura sa hapdi. Parang uminom ka ng muriatic acid on an empty stomach. Grabe.

Parang armageddon.

Nonetheless, isa si Lam-ang sa mga magagandang alaala. Nagamit ko ang mga nakakatuwang usapan namin para hindi ako maupos na parang kandila.

Kinain ako ng lungkot. Nilamon ako ng matinding pangungulila. Pero alam ko naman na hindi namin panahon. Hindi pa.

Kaya tumayo ako, nagpagpag ng alabok ng kalungkutan at handa na ulit sa panibangong hamon ng buhay. Pero ang isang kamay ko ay nakakapit sa Ama. Nagpapasaklolo.

Ang pakiusap ko ay " Ama, sana wag masyadong masakit. Yung kaya ko lang, please."

Maraming hiwaga ang buhay. Pero lahat ng iyon ay may dalang gintong aral. Na dapat maunawaan at dapat nakaangkla lang sa Panginoon ang iyong pag-asa.

Sa ngayon, nariyan pa din ang pangungulila. Tao lang tayo na may damdamin. Pero nagamit ko na sa tama ang intensity ng damdamin para abutin ang isa pang pangarap. Para sugalan ang kinabukasan. Para may mapatunayan ako sa sarili, sa pamilya at sa kapwa hinirang.

Hindi madaling daigin ang sarili. Pero pag nakakapit sa sa Diyos, nakasangguni lahat ng iyong nasa sa Kanya, you will be safe.

Pag nangungulila ako? I pray.

No comments:

Post a Comment